-- Advertisements --

CAUAYAN CITY -Humihingi ng tulong ang may-ari ng bahay na natupok ng apoy ang bahay sa Banna Uy Street District 1, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Alma Rivera, ang may-ari ng natupok na bahay, sinabi niya na labis ang kanyang panlulumo dahil hindi niya alam kung paano sila mag-uumpisa lalo na at wala umanong naisalba sa kanilang mga kagamitan at hindi rin umano nila alam kung saan sila titira ngayon.

Inaalala niya ngayon kung kung paano na ang pag-aaral ng kanyang tatlong anak matapos ang naturang sunog.

Ayon kay Gng. Rivera, nilamon ng apoy ang kanilang mga bahay at wala silang nailabas na anumang gamit .

Naniniwala naman ang ginang na hindi sa kanilang mga appliances nagsimula ang apoy dahil tinatanggal umano nila ito kung umaalis sila sa kanilang bahay.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Barangay Kagawad Mark De Hoya ng District 1, Cauayan na nagbigay siya ng paunang tulong para sa pamilya ng nasunugan.

Magso-solicit din anya sila sa kanilang mga kabarangay na nais magbigay ng tulong sa mga nasunugan.

Tutulungan rin anya ng pamahalaang barangay ang mga biktima upang mailapit sa mga tanggapan ng pamahalaang lokal na maaaring makapagbigay pa ng karagdagang tulong pinansiyal tulad ng DSWD.