KALIBO, Aklan – Nasa kustodiya na ng Boracay Police Station ang suspek sa pagkasunog ng isang bahay sa Sitio Cabanbanan, Manoc-Manoc sa Boracay.

Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, inihayag ni FO3 Franklin Arrobang ng Boracay-Bureau of Fire Protection (BFP) na umaabot sa P10,000 ang pinsala sa nasunog na bahay na pagmamay-ari ng isang Alex Marticio.

Natupok umano ang isa sa dalawang palapag ng residential house ng biktima na gawa sa light materials.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Samantala, ilang minuto lamang ang nakalipas ay may isang concerned citizen na tumawag sa kanilang tanggapan at humihingi ng tulong dahil may isa na namang boarding house ang nilalamon ng apoy.

Pagdating ng mga otoridad sa lugar, agad namang napigilan ang pagkalat ng apoy dahil na rin sa pagtulong-tulungan ng mga tao sa lugar.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP para matukoy ang pinagmulan ng apoy.