-- Advertisements --

Nakadepende umano sa resulta ng Senate committee report ngayong araw sa pangunguna ni Sen. Dick Gordon at ang ginawang koordinasyon ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief P/Director Roel Obusan sa Senado ang pag-aresto sa intelligence officer ng Bureau of Customs (BOC) na si Jimmy Guban.

Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Benigno Durana, kanilang ipapatupad ang kautusan ng Pang Rodrigo Duterte na arestuhin ang dating BOC executive.

Bilang tugon sa direktiba ng pangulo, agad nakipag-ugnayan si PNP Chief Oscar Albayalde sa Senado sa pamamagitan ni Sen. Gordon at hiniling ang kustodiya ni Guban.

Sinabi pa ni Durana, kapag mayroon ng warrant of arrest laban kay Guban ay maaari na itong arestuhin ng CIDG.

Sa ngayon kasi wala pa kasing kaso na isinampa ang BOC laban kay Guban at wala rin itong warrant of arrest.

Si Guban ay isa sa BOC officials na sangkot umano sa P6.8 billion illegal drugs na pumasok sa bansa noong Agosto.

Inihayag naman ni Sen. Gordon na kaniyang ikokonsidera ang hiling ng PNP chief pero pending ito hanggang sa matalakay ito sa Blue Ribbon Committee na kaniyang pinamumunuan.