-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Na hindi kaparehas ng Super Typhoon Yolanda ang nararanasan ngayong Bagyong Tisoy.

Sa isang panayam, sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na maaring ihambing ang Bagyong Tisoy sa Bagyong Glenda at Reming pero hindi sa malakas na Bagyong Yolanda na kumitil sa buhay ng mahigit 6,000 katao noong 2013.

“Wala po siya sa Yolanda standards natin, at ‘yung ulan na binuhos niya ay hindi naman parang Ondoy level,” ani Timbal.

Magugunita na noong 2006 nang nanalasa ang Bagyong Reming sa Albay ay 55 katao ang binawian ng buhay, habang mahigit 300,000 residente naman sa nasabing probinsya ang lumikas sa mapinsalang Bagyong Glenda noong 2014.

Sa ngayon, ang Bagyong Tisoy ay may lakas ng hangin na aabot ng hanggang 155 kilometers per hour malapit sa sentro nito at may pagbugso na aabot naman ng hangganmg 235 kilometer per hour.

Magugunita na ang Bagyong Yolanda noon ay mayroong taglay na lakas ng hangin na umabot ng 235 kph at pagbugso na umabot naman sa 275 kph.

Gayunman, pinayuhan ni Timbal ang publiko na manatiling mapagmatyag sa posibleng pagkakaroon ng storm surges, pagbaha at landslides.