KORONADAL CITY – Umaabot na sa halos 100 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa evacuation center sa Makilala, North Cotabato, dulot ng malawakang pagbaha.
Ito ang inihayag ni North Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) operations head Engr. Arnulfo Villaruz sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Villaruz, sa kasalukuyan ay kabuuang 82 pamilyang lumikas ang nasa evacuation center kung saan patuloy ang pamamahagi ng local government ng North Cotabato ng food packs sa mga apektadong residente.
Samantala, kinumpirma ni Villaruz na natagpuan na nila ang bangkay ng lalaking inanod ng tubig-baha matapos itong nawala ng ilang araw nang tinangka nitong tumawid.
Ayon sa opisyal, isang 39-anyos na lalaki ang biktima na residente ng Barangay Kisante, Makilala ng naturang lalawigan at kanila pang inaalam ang pangalan nito.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang damage assessment ng kanilang tanggapan upang malaman ang halaga ng pinsala na dulot ng pagbaha na naranasan sa buong lalawigan.