Bahagyang lumakas ang tropical storm habang patuloy na kumikilos sa Philippine Sea, silangan ng Southeastern Luzon, ayon sa ulat ng PAGASA.
Sa pinakahuling tala ng ahensya alas-diyes ng gabi, tinatayang nasa 1,590 kilometro silangan ng Southeastern Luzon ang sentro ng bagyo, na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Taglay nito ang maximum sustained winds na 85 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso hanggang 105 kilometro kada oras, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Bagama’t wala pang direktang epekto sa bansa, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang naturang sistema dahil sa posibilidad nitong pumasok sa PAR sa mga susunod na araw.
Pinayuhan ang mga residente sa silangang bahagi ng Luzon na maging alerto sa mga abiso ng panahon, lalo na sa posibleng pag-ulan at pagtaas ng alon sa karagatang bahagi ng bansa.
















