-- Advertisements --

Patuloy na nakaaapekto ang Tropical Cyclone Inday at ang habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Bandang alas-3:00 ng madaling araw, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 940 kilometro silangan ng Hilagang Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 215 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran.

Makakaranas ng pag-ulan at malalakas na hangin ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Ilocos Norte, Aurora, at Catanduanes. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito.

Asahan din ang kalat-kalat hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Eastern Visayas at iba pang bahagi ng Bicol Region.

Samantala, dahil sa habagat, makararanas naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, Sarangani, at South Cotabato. Posible rin ang pagbaha at landslide sa mga apektadong lugar.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm, lalo na sa hapon at gabi.