DAVAO CITY – Tuluyan nang lumikas ang mga apektadong residente sa Davao matapos ang matinding pag-ulan kagabi hanggang kaninang madaling araw dulot ng Tropical Depression Dante.
Partikular na inilikas ay ang mga naninirahan sa gilid ng Bunawan River at Talomo River nitong lungsod na parehong nasa tinatawag na critical level.
Apektado rin ng pagbaha sa lansangan ang bahagi ng Barangay 6 Benedict Heights Tugbok, habang lumikas naman papuntang Mintal gym ang ilang pamilya mula sa Purok 15 sa nasabing lugar.
Sa ngayon ay nag-set-up na ng modular tents ang Sanggunian Kabataan, gayundin ang Barangay Council at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council sa Mintal, para matiyak na may masisilungan at matutulugan ang mga apektadong residente.
Kasabay nito ay muling nanawagan ang City Disaster Risk Reduction and Management Office head na si Alfredo Baluran, na manatiling alerto lalo ang mga naninirahan sa landslide at low lying areas.
Nabatid na patuloy pa kasing mararanasan ang mga pag-ulan hanggang sa mga susunod na araw.
















