Lumakas ang tropical cyclone na may international name na “Bavi” bilang isang super typhoon nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 3, habang patuloy itong kumikilos pa-kanluran sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa weather bulletin ng PAGASA bandang alas-10 ng gabi, taglay ng super typhoon ang maximum sustained winds na 185 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong umaabot hanggang 230 kph.
Tinatayang nasa 3,090 kilometro silangan ng Eastern Visayas ang sentro nito at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 kph.
Sa ngayon easterlies ang nakakaapekto sa sama ng panahon sa bansa.
Ayon sa state weather bureau posibleng pumasok ang bagyo sa PAR sa Miyerkules, Hulyo 8, at tatawaging “Inday.”
Ayon sa pinakahuling tropical cyclone threat assessment ng PAGASA, mataas ang posibilidad na dumaan malapit sa Northern Luzon ang super typhoon sa susunod na linggo, dahilan upang posibleng magtaas ng tropical cyclone wind signals sa malawak na bahagi ng rehiyon, gayundin sa ilang lugar sa Central Luzon.
















