-- Advertisements --

Sinimulan nang magpulong ng mga alkalde sa Metro Manila para sa kanilang preparasyon kontra sa mas nakakahawang Delta variant ng Coronavirus Disease (COVID).

Kabilang sa pinag-usapan ay ang pagpapatupad ng strict border controls sa National Capital Region (NCR), mas agresibong contact tracing, at ang implementasyon ng “granular” lockdowns.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, tinalakay din nila ang ilang mga precaution.

Aniya, kaunti man ang kaso ng Delta variant sa NCR at nananatiling maganda ang hospital care ay hindi nila dapat balewalain ang bagsik ng virus.

Samantala, pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga ospital sa posibleng surge o pagdami ng kaso ng nasabing COVID variant sa bansa.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan nang palakasin ang health system capacity, gayundin na dapat handa ang lahat ng magdagdag ng mga kama, sapat ang suplay ng mga oxygen, naka-preposisyon ang mga gamot at iba pang kakailanganing suplay.

Pinaghahanda na rin ng kagawaran ang mga lokal na pamahalaan at ospital sa mga katulad na sitwasyon sa India, Indonesia at Malaysia, kung saan lumobo ang mga kaso dahil sa Delta variant.

Kailangan paigtingin ng lokal na pamahalaan ang “prevention, detection, isolation, treatment and reintegration.”

Kasabay nito, tiniyak ng ahensya na patuloy na binabantayan ang pitong rehiyon dahil sa matataas na kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.

Kabilang dito ang Region 13 (Caraga), Region 11 (Davao Region), Region 6 (Western Visayas), Region 5 (Bicol), Region 4-A (Calabarzon), Region 12 (Soccksargen) at Cordillera Administrative Region. (with reports from Bombo Jane Buna)