Siniguro ni Philippine National Police (PNP) na mangingibabaw pa rin ang proteksiyon nghuman life sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Sinabi ni PNP chief police General Rodolfo Azurin Jr., na dapat ay mayroon umanong komprehensibong pag-aaral sa root cause ng problema sa iligal na droga sa bansa.
Nanindigan itong habang isinasagawa ng mga pulis ang kanilang mandato at trabaho ay titiyakin nilang kung maaari ay walang mamamatay dahil hindi raw ito ang solusyon sa iligal na droga sa bansa.
Aniya, hindi raw dapat makuntento ang pamahalaan sa pagkakasabat ng mga kilo-kilong droga kundi dapat ay alamin ang ugat kung bakit maraming nalululong at nasasangkot sa iligal na droga.
Para mapaganda pa raw ang anti-illegal drugs campaign, gagawa si Azurin ng magandang relasyon sa mga iba’t ibang sector ng komunidad gaya ng mga church leaders at barangay captains.
Kung maalala, una nang sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na ipagpapatuloy pa rin ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Samantala, sa problema naman ng terorismo at rebelyon, sinabi ni Azurin na kailangan talaga dito ang intense intelligence work para masolusyunan ang naturang problema dito sa bansa.
Isa umanong solusyon dito ay dapat alam ng mga barangay kung sino ang mga residente sa kanilang lugar at kung sino ang mga bago para malaman kung may kahina-hinalang mga tao na pumapasok sa kanilang lugar.
Dapat din umanong maghigpit sa mga airports at seaports para hindi masalisihan ng mga terorista.
Binigyang diin din ng heneral ang kahalagahan na alamin kung bakit sumasali ang isang tao sa insurgency group at kailangang magdoble kayod ang gobyerno para kumuha ng feedback kung kailan nila gustong sumuko.