-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kalunoslunos ang sinapit ng isang bagong silang na sanggol na babae makaraan itong itapon sa dagat ng kanyang walang pusong ina sa Purok 7, Brgy. Jawili, Tangalan, Aklan.

Ayon kay P/Executive Master Sergeant Shearel Teodosio ng Tangalan Municipal Police Station, natagpuan ang patay na sanggol bandang alas-4:30 ng hapon ni Rolando Saldowa, residente ng Brgy. Poblacion, New Washington, Aklan habang namamasyal sa naturang lugar.

Sinabi ni Saldowa, inakala niyang patay na hayop ang nakitang palutang-lutang sa mababaw na bahagi ng karagatan at nang lapitan ay laking gulat niya nang madiskubreng ito ay patay na sanggol.

Agad naman itong ipinagbigay-alam sa Barangay Chairman ng nasabing lugar na siyang nagreport ng insidente sa himpilan ng pulisya.

Samantalang, patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang ina ng sanggol na posibleng maharap sa kasong infanticide.

Inalayan na ng misa at binigyan ng disenteng libing ang sanggol sa public cemetery sa Tangalan.

Panawagan naman ng pulisya, lalo na sa mga kababaihang nagbubuntis, na irespeto at pahalagahan ang buhay ng mga dinadalang sanggol.