-- Advertisements --

Lusot na sa komite sa Kamara ang panukalang naglalayong mapalakas ang karapatan ng publiko sa free expression at magsagawa ng pagtitipon sa mga pampublikong lugar.

Sa pagdinig ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni San Jose Del Monte Rep. Rida Robes, inaprubahan ang House Bill 6297 o ang New Public Assembly Act of 2019 na iniakda nina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, Ferdinand Gairte, at Eufemia Cullamat.

Layon ng panukalang batas na ito na ipawalang bisa ang Batas Pambansa Blg. 880, na pinagtibay noong panahon pa ni Pangulong Ferdinand Marcos, na ayon sa mga kinatawan ng Bayan Muna ay naabuso ng mga otoridad.

Nakasaad sa panukala ang mahigpit na pagbabawal sa pagsama sa mga menor de edad sa mga kilos protesta.

Bagama’t sa kasalukuyang batas ay talaga namang ipinagbabawal ito, sinabi ni Robes na hangad ng panukala na mas mahigpitan pa ito bilang proteksyon na rin sa mga menor de edad.

Sa ilalim ng panukala, obligadong bigyan ng abiso o “notice” ang local government unit kung saan  isasagawa ang public assembly.

Dapat nakadetalye rito ang pangalan ng mga organizer, address at kanilang mga contact number at may kaakibat na kaparusahan sa paglabag dito.

Sa ilalim kasi ng kasaluyuyang batas kailangan pa ng written permit para sa isang grupo  o indibidwal na magnanais magsagawa ng pagtitipon sa public places.