-- Advertisements --

NAGA CITY- Muling nagpalabas ng bagong panuntunan ang Camarines Sur hinggil sa pagpasok sa airport at border sa Del Gallego sa naturang lalawigan.

Ito ay dahil pa rin sa patuloy na pagtaas at pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Bicol Region.

Sa ibinabang Executive Order ni Gov. Migz Villafuerte, nakasaad sa naturang kautusan ang muling pag-obliga sa mga papasok sa lalawigan na magpresenta ng valid ID na may nakalagay na address at negative RT-PCR test result na isinagawa 48 hours o dalawang araw bago ang pagdating sa probinsya.

Para naman sa mga Authorized Person Outside Residence (APOR), kakailanganin din ang ID, travel order at travel itinerary.

Ipapatupad din ang mas mahigpit na border controls, kasama na rito ang pagcheck ng temperatura ng mga pasahero, pagsasailalim sa 14 days quarantine sa mga makikitaan ng sintomas ng COVID-19 o nagpositibo sa antigen test.

Samantala, para naman sa magbabyahe gamit ang eroplano, kailangan munang makapagpresenta ang mga pasahero ng negative result kan RT-PCR test bago payagan ng mga airlines sumakay.

Kailangan ding sumailalim sa routinary medical check up at assessment bago payagang makalabas sa airport.

Ayon pa dito, ang mga indibidwal na makikitaan ng sintomas ng naturang virus ay agad na ilalagay sa isolation facility at isasailalim din sa 14-day quarantine.