DAVAO CITY – Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Davao Oriental na may namataang bagong pamilya ng Philippine eagle sa kanilang lugar.
Sinasabing ang pamilya ng critically-endangered Philippine eagles ay nasa kagubatan ng nasabing lalawigan.
Nakuhanan ito ng larawan at video ng Official Photographer ng Provincial Information Office na si Mr. Eden Jhan Licayan matapos ang four-day assessment para sa potential tourism sites sa nasabing area.
Ayon kay Philippine Eagle Foundation Head for Research and Development, Dr. Jason Ibanez, na mag-asawang agila ang nasa larawan na kasama nito ang kanilang mga anak.
Sinasabing naninirahan umano ang mga ito sa Mount Kampalili-Puting Bato Key Biodiversity Area ng Davao Oriental, na isa sa pinakamalaking habitats ng Philippine Eagles sa Mindanao.
Kilala ang Davao Oriental sa mga lugar na pinamumugaran ng Philippine Eagles kung kabilang na rito ang nailigtas na si Mal’lambugok na pinakawalan sa munisipalidad ng Caraga sa nakaraang Setyembre.
Siniguro naman ni Governor Nelson Dayanghirang na magpapatupad nga programa ang local government ng Lupon upang masiguro na ma-protektahan ang mga agila at iba pang mga hayop sa lugar.