Bagong Negros Oriental Governor na si Guido Reyes, tiniyak na ipagpatuloy ang mga programa at proyekto ni dating Gov. Roel Degamo; Lahat ng mga empleyado ng nagdaang administrasyon,mananatili
Naging emosyonal ang unang pisikal na pagtungo sa Kapitolyo ni Negros Oriental Gov. Carlo “Guido’ Reyes ilang araw matapos itong nanumpa sa tungkulin bilang gobernador ng lalawigan kasunod ng pagpaslang kay dating governor Roel Degamo.
Ikinalungkot pa nito ang nangyari kay Degamo at umaasang makamit na ang hustisya.
Ipinahayag ng opisyal na ang pagkamatay ng dating gobernador ang pagsisimula ng pagkakaroon na ng kapayapaan sa lalawigan.
Tiniyak ni Reyes ang lahat ng empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan na mananatili ang mga ito at walang gagawing pagbabago sa organisasyon.
Sinabi pa nitong wala siyang papalitan na mga tauhang itinalaga sa nagdaang administrasyon maliban nalang sa kanyang itinalaga na sina Atty. Karen Lisette Molas at Atty. Mary Grace Villegas bilang Provincial Legal Officer na kanyang inatasan na tiyaking maipapatupad ang lahat ng mga programa at proyekto ng nakaraang gobernador.
Maliban dito, ipinangako din ng bagong gobernador ng Negros na ipagpapatuloy niya ang mga programa at proyekto ni Degamo.
Tiniyak din ni Reyes na ang kalidad ng kanyang serbisyo na ipatutupad ay hindi lang sa isang bayan o lungsod kundi sa buong lalawigan ng Negros Oriental.