-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patuloy pang inaalam ngayon ng kapulisan ang buong detalye kung aksidente ang pagkamatay ng kakaupo pa lamang na hepe ng Provincial Intelligence Unit ng Masbate Police Provincial Office.

Binawian ng buhay sa fatal shot na tinamo si PLtCol. Steve dela Rosa, 39-anyos sa pagitan ng tiyan at malapit sa puso sa insidenteng nangyari dakong alas-10:45 ng gabi.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate PPO Provincial Director PCol. Rolly AlbaƱa, kagagaling lamang umano sa isang intelligence operation ni dela Rosa nang mangyari ang insidente.

Kukuha lang dapat ito ng mga gamit sa bahay sa Mobo, Masbate at babalik rin sa trabaho dahil may follow-up operation pang isasagawa.

Inihahanda na umano ng hepe ang kaniyang uniporme sa sariling kwarto nang biglang umalingawngaw ang putok ng baril na narinig ng asawa nito.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang police officer subalit idineklarang dead on arrival.

Isinailalim na rin sa autopsy ang bangkay ng pulis at hinihintay ang resulta ngayong araw.

Kakaupo pa lamang ni dela Rosa sa bagong posisyon matapos na magsilbing hepe ng Masbate City Police Station hanggang nitong Enero 8, 2022.

Samantala, buhos naman ang nakikiramay sa maagang pagpanaw ng hepe na kinabibiliban sa lugar dahil sa dedikasyon sa trabaho at dami nang accomplishments mula sa pagpasok sa serbisyo noong 2007.