Isang bagong gusali para sa punong tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila ang magsisimulang itayo at inaasahang matatapos sa 2026.
Ayon kay NBI Director Medardo G. de Lemos, sa susunod na tatlong taon ay makikita ang bagong punong-tanggapan ng NBI para na rin sa mas maayos na paglilingkod ng kanilang kawanihan.
Sinabi ni De Lemos na ang bagong gusali, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P2.5 billion ay magbibigay daan sa pagdating ng isang mas moderno, mas mahusay, at mas komportableng kapaligiran sa pagtatrabaho para sa mga empleyado at mamamayan.
Aniya, maaari nang magpatuloy ang konstruksiyon sa pamamagitan ng mga kaibigan at tagasuporta sa Senado at sa Kapulungan ng mga Kinatawan.
Ipinaabot ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang pangako ng DPWH na tapusin ang proyekto.
ANiya, ito ay magtatampok ng mga modernong opisina, conference room at iba pang amenities na magbibigay-daan para sa mas mahusay at epektibong lugar ng trabaho para sa ahensya.
Sinabi ni De Lemos na ang bagong gusali ng NBI ay magkakaroon ng tatlong tower, isang multi-level na parking na may dormitoryo para sa mga pansamantalang ahente at empleyado, isang gymnasium, at isang shooting range.
Noong 2020 matapos ideklarang unfit ng City of Manila ang gusali ng NBI noong 2019, karamihan sa mga opisyal at empleyado ay lumipat sa isang pansamantalang gusali sa V-Tech Tower sa Quezon City.