-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinikwestyon ng Local Government Unit (LGU) ng Guimaras ang bagong disenyo ng motorbanca na isinusulong ng Maritime Industry Authority (Marina).

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Buenavista, Guimaras Mayor Eugene Reyes, sinabi nito na sa isinagawang pagpupulong, ipinakita ng Marina ang bagong disenyo ng motorbanca na gawa sa steel hull o fiber glass.

Tinanong naman ni Guimaras Vice Governor John Edward Gando ang Marina kung mayroong pag-aaral na makapagpapatunay na ang dahilan ng pagtaob ng tatlong bangka noong nakalipas na Agosto 3 ay dahil sa gawa ang mga ito sa wooden hull.

Ayon kay Reyes, hindi nakasagot ang ahensya hinggil sa katanungan ni Gando.

Sa ngayon ayon kay Reyes, mas mainam na magbigay ng mas mahabang timeline ang Department of Transportation at ang Maritime Industry Authority hinggil sa pagpalit ng disenyo ng motorbanca dahil umaabot sa P5 million hanggang P7 million ang bawat isa nito.