Nakatakdang simulan ng gobyerno ng Pilipinas ang pagbabakuna ng pangkalahatang publiko sa susunod na buwan.
Ito ay dahil sa inaasahang pagdating ng mahigit sa 61 milyong doses ng mga bakuna kontra Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., darating ngayong buwan at sa buwan ng Oktubre ang 61 million doses ng bakuna.
Aniya, kapag dumating ang 61 million doses ay maaari na tayong magkaroon ng tinatawag na general population.
Sinabi ni Galvez na inaasahan ng Pilipinas ang mas maraming bakuna sa buwang ito dahil sa matatag na supply mula sa donasyon ng Sinovac, Pfizer at US-Covax.
Dagdag ng opisyal, ang mga isyu sa produksiyon ng AstraZeneca, Moderna at Sputnik ay nalutas na rin.
Inihayag din ni Galvez na mula Setyembre 6, lahat ng mga yunit ng pamahalaang lokal ay maaaring mabakunahan ang mga prayoridad na sektor A1 hanggang A5.