ROXAS CITY – Sugatan ang 18-anyos na bading matapos masabugan ng diumano’y improvised explosive device (IED) sa Sitio Malinong, Barangay Poblacion, Sapian, Capiz.

Patuloy na ginagamot sa ospital ang biktima na kinilalang si Nikki Lopez dahil sa natamo nitong sugat sa paa.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Sapian Municipal Police Station na pumasok sa CR ng kanilang bahay ang biktima para umihi, ngunit kasabay ng paglabas nito ay ang malakas na pagsabog.

Pagkaraan ng ilang minuto ay nakaramdam ng sakit sa paa ang biktima hanggang sa nakita nitong dumudugo ang kanyang paa.

Kaagad itong dinala sa ospital para mabigyan ng agad na lunas ang sugat.

Samantala patuloy naman ang imbestigasyon ng Sapian PNP para matukoy kung IED nga ang sumabog.