VIGAN CITY – Nakahanda umano ang Department of Agriculture (DA) na magbigay ng tulong pinansiyal sa mga local o backyard hog raisers na naapektuhan ng hindi pa tukoy na swine disease sa bansa na sanhi ng pagkamatay ng ilang alagang baboy, lalo na sa Rodriguez, Rizal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DA Secretary William Dar na bagama’t hindi pa nila tukoy kung anong sakit ang tumama o nakaapekto sa mga namatay na alagang baboy ng ilang hog raisers sa nasabing lugar, mayroon na silang ayudang ibibigay sa mga ito upang makabangon sila sa kanilang pagkakalugi.
Ito ay maliban pa sa ayudang kanilang ibibigay sa oras na handa na ang mga ito na mag-alagang muli ng baboy pagkatapos na ma-disinfect ang lugar o matukoy kung anong sakit ng hayop ang dumapo sa kanilang mga namatay na alaga.
Kasabay nito, muling nilinaw ng ahensya na wala pang kumpirmasyong nakapasok sa bansa ang African Swine Fever (ASF) virus dahil dalawang linggo hanggang isang buwan pa ang aabutin bago maipalabas ang resulta ng kanilang isinagawang pag-aaral sa mga sample na kanilang nakuha sa mga lugar kung saan mayroong mga namatay na mga alagang baboy.
Tiniyak naman ng opisyal na mayroong sapat na suplay ng karne ng baboy sa bansa dahil ito ang sinabi sa kaniya ng mga commercial hog raisers na kanilang nakausap.