-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sinimulan na ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR) ang malalimang imbestigasyon patungkol sa pinagmulan ng limang kilo ng suspected shabu mula sa arestado na high value target sa kahabaan ng Barangay Madalin,Malabang,Lanao del Sur.

Layunin ni PDEA-BARMM regional director Cesario Castro na matukoy kung sino ang mga personalidad na nasa likod pagpuslit ng estimated P34 milyong halaga ng suspected shabu na nakompiska ng joint operation teams mula sa suspek na si Zacaria Jaji Nandang alias Dats na tubong Cotabato City.

Sinabi ni Castro na ang pagka-aresto kay Nandang ay resullta ng joint intensive intelligence-surveillance operations ng state security sector kaya nasawata ang ipupuslit sana na limang kilo ng suspected shabu nitong linggo lamang.

Dagdag ng opisyal na maingat sila sa isinagawa nila na backtracking sapagkat inaasahan na maaari nila makakabangga ang grupo na kumupkop sa suspek.

Magugunitang unang nagbenta ng isang kilo ng suspected shabu ang suspek sa PDEA agent poseur-buyer subalit pagkatapos magka-arestuhan ay tumambad ang ibang apat pa na kilo ng kontrabando nakatago sa minaneho nitong pribadong sasakyan sa lugar.

Kakaharapin ni Nandang ang kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2022 sa piskalya mismo sa pagbalik-trabaho ng gobyernong mga opisina bukas.