CEBU CITY – Inatasan ni Cebu City Mayor Edgardo Labella si City Administrator Floro Casas Jr., na pabilisin ang tulong pinansyal para sa 80 barangay ng lungsod matapos inilagay uli sa ECQ (enhanced community quarantine) ang lungsod hanggang Hulyo 15.
Ayon sa alkalde, ang bawat barangay ay makakatanggap ng tag-P1 million para magamit sa pagbili ng mga ayuda tulad ng bigas, pati na rin mga food packs.
Dagdag pa ng alkalde na pahirap ang sitwasyon sa lungsod partikular na sa mga barangay ngunit sinisikap niya na makahanap ng paraan upang matulungan at tumugon sa mga pangangailangan ng mga Cebuano.
Sa kabilang banda, ang Cebu City Health Department ay hindi muna magpapalabas ng mga update sa coronavirus sa pamamagitan ng kanilang social media account simula ngayong araw.
Susunod kasi ito sa rekomendasyon ng Inter Agency Task Force upang maiwasan ang “confusion” o pagkalito ng publiko habang ito ay pinoproseso, para isang ahensya na lamang ang maglabas ng mga data.
Ibibigay na lamang nila ito sa Department of Health (DOH)-Central Visayas at hinihikayat ang publiko na pumunta na lang sa Official Page ng DOH-7.