Aminado ang Department of Transportation (DOTr) na imposible pang payagan ang pagba-back-ride ng mga motorsiklo sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Sa isang panayam sinabi ni Transportation Asec. Goddes Libiran na magiging hamon para sa mga enforcers ang pagsisiguro na magkapamilya o mula sa iisang bahay lang ang mga magkaka-angkas na bibiyahe sa kalsada.

Hindi rin daw magiging madali ang pagtukoy kung mga habal-habal drivers o nagpapanggap lang na mag-asawa ang mga sakay ng motor.

Kung maaalala, ilang local government units, pati mambabatas ang nanawagan para payagan na ang motorcycle back-riding ng magkakamag-anak na nakatira lang sa iisang bahay sa GCQ areas.

Binigyang diin ni Asec. Libiran na kailangan manatiling uniformed o pantay ang enforcement ng gobyerno sa mga ipinatutupad na protocol.

Sa ilalim kasi ng GCQ, limitado pa rin ang pwedeng isakay sa public utility vehicles na pinayagan na muling bumiyahe. Tulad ng mga tren, bus augmentation, taxi at mga TNVS (transport network vehicle services).