Naiturn-over na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babaing nag-viral matapos lumabas mula sa makipot na imburnal sa Makati City.
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na dumating ang babae na tinukoy bilang si alias “Bibe” sa Pag-abot Processing Center sa Pasay City kaninang umaga ngayong Huwebes matapos mahanap at ma-interview siya ng DSWD team.
Sa processing center, sasailalim ito sa masusing assessment at kaukulang interbensiyon ng DSWD base sa kaniyang sitwasyon at pangangailangan.
Ayon sa DSWD, ito ay base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ahensiya para magbigay ng komprehensibong intervention sa nasabing indibidwal upang hindi na ito bumalik pa sa lansangan.
Una rito, base sa Makati City Police Station, nangyari ang insidnte kung saan namataan ang babae na lumabas sa imburnal dakong alas-4:16 ng hapon noong araw ng Lunes, Mayo 26.
Ayon sa police, pinaniniwalaang isang taong grasa si Bibe na nanunuluyan sa may kanal malapit sa Makati Medical Center.
Subalit napag-alaman sa nakalap na CCTV footage na tatlo pala at hindi lamang isa ang namataang pumapasok sa may kanal sa pamamagitan ng pagdaan sa bukana ng imburnal noong araw ng Lunes.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente para matukoy ang pagkakakilanlan at intensiyon ng nasabing mga indibidwal.