GENERAL SANTOS CITY – Nasa kustodiya ngayon ng mga pulis ang isang babae na person of interest sa pamomomba sa harap ng lying-in sa Purok Malipayon, Barangay Apopong sa General Santos City noong 2018.

Sa bisa ng warrant of arrest sa patong-patong na kasong frustrated murder, nahuli sa Purok View, Barangay Tambler kahapon ang wanted na si Baina Sahak, 20-anyos, may asawa.

Ayon kay Police Major Ananias Vasquez, hepe ng Makar Police Station, isa umano si Baina sa mga kinasuhan kaugnay sa improvised explosive device (IED) explosion sa Bonita Lying In Center sa National Highway, Barangay Apopong, noong September 16, 2018 na ikasugat ng walong katao.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo GenSan, mister daw ni Baina si Bassir Sahak na leader umano ng special operation group ng ISIS inspired terror group na Ansar al Khilafa Philippines na pinamumunuan noon ni Tukboy Maguid na napatay sa police operation sa Kiamba, Sarangani noong January 2017.

Noong October 2018, napatay din sa police operation sa Barangay Daliao sa Maasim si Bassir.

Pero giit ni Baina na hindi sila sangkot ng kanyang mister sa pagsabog sa GenSan.

Nabatid na mahigit 10 pa ang pinaghananap ng mga otoridad ngayon na itinuturong sangkot din sa naturang pagsabog.