CAGAYAN DE ORO CITY – Magkasamang pumunta sa himpilan ng Bombo Radyo Cagayan de Oro ang mag-fiance matapos umanong sinubukang halayin ng driver ng sinakyang taxi ang 31-anyos na soon to be bride.

Kwento ni “Maricar,” hindi tunay na pangalan, bandang alas-10:00 ng gabi sumakay siya ng taxi sa Capistrato na nasa sentro lamang ng lungsod at magpapahatid sana sa bahay nito sa Barangay Consolacion ngunit laking gulat na lang niya na ibang ruta na pala ang kanilang binabaybay.

Pagdating umano sa liblib na lugar ng Landfill Zayas Carmen ay bigla umano siyang pinahubad ng taxi driver ngunit tumanggi ito kaya makailang beses siyang sinuntok sa mukha.

Sa pagsusumikap ni “Maricar” na makalabas sa taxi, maswerte nitong nabuksan ang pinto ng taxi at agad na tumalon.

Nanawagan ang biktima at partner nito sa taxi driver na suspek na sumuko na lamang sa mga otoridad at harapin ang kaukulang parusa sa ginawa nitong krimen.

Sa kabila ng nangyari, going strong pa rin ang magnobyo na nakatakdang ikasal sa darating na Enero sa susunod na taon.