-- Advertisements --
IMG 8587c34e64964e346e5c23b0ebb8bebb V

Sumalang na sa inquest proceedings sa Office of the Prosecutor ng Pasay City ang isang babaeng gumagamit ng pasaporteng nakapangalan sa ibang tao.

Ayon kay NBI Officer-in-charge Eric Distor, naharang ng NBI-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) ang suspek na si Bainisin Pulna alyas Elsa Cornello Saladi sa NAIA Terminal 1, Pasay City.

Nakatakda na raw sanang umalis sa bansa si Pulna noong April 16, 2021 lulan ng Saudi Arabia via Gulf Air Flight.

Pero nang dumaan ito sa duty Immigration Officers ay nagbigay daw ang subject na si Punla ng mga inconsistent at contradicting statements kaugnay ng kanyang edad sa isinagawang secondary inspection.

Napilitan din umanong umamin ang suspek sa mga Immigration Officers na magsasaka ang kanyang ama at hindi isang elementary school teacher na taliwas naman sa nakalagay sa kanyang iprinisintang National Statistics Office (NSO) birth certificate.

Dagdag niya, ito rin daw ang kauna-unahang pagkakataon na bibiyahe sana siya papuntang ibayong dagat.

Taliwas din ito sa verification ng Central Query Support System ng BI dahil nakaalis at nakabalik na rin ito sa bansa.

Ito ay sa pangalang Elsa Cornello Saladili at ang passport image ng kanyang kasalukuyang pasaporte ay iba sa larawan ng kanyang dating mga biyahe.

Humaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 19 (d) (1) ng R.A. 8239 o mas kilalang Philippine Passport Act of 1996.