NAGA CITY – Ligtas na naisilang ng isang babae ang kanyang sanggol sa loob ng military truck sa kasagsagan ng pananalasa ni Bagyong Ulysses sa Camarines Sur.
Kinilala itong si Noralyn Ilagan, 29-anyos na residente ng Baranagay Caranan, Pasacao sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Division Public Affairs Office, 9th Infantry Division (ID), Philippine Army, napag-alaman na ni-rescue si Ilagan ng pwersa ng 9th Infantry Battalion, Municipal Health Office at ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Pasacao.
Ngunit habang nasa loob ng military truck, nagsimula nang nakaranas ang ginang ng labor pain.
Dahil dito, in-assist ng mga otoridad si Ilagan hanggang sa ito ay manganak.
Ayon pa dito, nagbigay kasiyahan ang iyak ng isang bagong panganak na sanggol sa loob ng military truck lalo’t puro hirap ang naranasan mula sa pananalasa ng tatlong bagyo sa gitna ng pandemya.
Samantala, pinuri ni M/Gen. Henry Robinson Jr., ng 9ID ang Spear Troopers na agad aniyang tumulong na higit pa sa kanilang “call of duty.”