Hinatulang guilty ng korte dahil sa panloloko ang 22-anyos na babae sa Slovenia matapos putulin ang sariling kamay para makuha ang insurance.

Ayon sa district court sa Ljubljana siĀ  Julija Adlesic at boyfriend ay nagkasundong putulin ang kaliwang kamay ng babae noong unang bahagi ng nakaraang taon.

Pero nabulgar ang panloloko ng dalawa upang matanggap lamang ang insurance.

Napag-alaman ng korte na isang taon bago nangyari ang insidente ay pumirma umano sa limang insurance companies si Julija.

Sinasabing ang pagkaputol ng kamay ng babae ay makakatanggap siya ng mahigit sa 1 million euros.

Kalahati nito ay agad siyang binayaran at ang kabuuan ay sa pamamagitan ng regular na monthly installments.

Batay sa pagsisinungaling ng dalawa nagpuputol daw ang babae ng sanga ng punongkahoy gamit ang lagare pero naaksidente raw ito.

Nang tumungo ang mga ito sa ospital nadiskubre rin na iniwan ng mga ito ang kaputol na kamay.

Pero kumilos ang mga pulis upang kunin ito at naikabit naman ang kaputol na kamay.

Ang kasabwat na boyfriend ay hinatulan din na makulong ng tatlong taon at ang kanyang ama ay one-year suspended sentence.