-- Advertisements --

Inilampaso ng Philippines men’s football team ang koponan ng Timor Leste, 6-1, sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.

Subalit sa kabila ng nakakabilib na laro ng Young Azakals sa Biñan Football Stadium, bigo ang Pilipinas na makausad sa semi-finals ng Group A category dahil sa goal difference.

Ito ay matapos na makapasok ng 3-1 win ang Cambodia kontra Malaysia sa kasabay na laro na ginanap naman sa Rizal Memorial Sports Complex.

Ang U-22 Azakals ay may inferior +5 goal difference kumpara sa +7 ng Cambodia.

Sa laro ngayong araw, unang nagpakitang gilas si Stephan Schrok nang makapagposte sa fourth minute para ibigay ang unang puntos ng laro sa Pilipinas.

Sinagot ito ng matinding opensa ng Timor Leste sa 20th minute ng laro nang tangkain nilang makasipa ng goal pero nabigo.

Muling nakakopo ng goal ang Azkals sa 43rd minute nang maipasok ni Amani Aguinaldo ang corner kick ni Schrock para itaas ang kanilang lamang sa 2-0.

Pagsapit ng 55th minute, lumusot sa dipensa ng Timor Leste ang header ni Mar Diano makaraang tanggapin ang bola mula sa free kick ni Schrock para itaas ang lamang ng Azkals sa 3-0.

Mula rito ay hawak na ng Azkals ang takbo ng laro, nang makagawa ng scores sina Dylan de Bruycker at Aguinaldo sa 78th at 86th minute para gawing 5-0 ang lamang ng Pilipinas.

Sinundan pa ito ni Aguinaldo sa 90th mark.

Subalit pagsapit ng 93rd minute ay nailusot pa ng Timor Leste ang bola sa kampo ng Pilipinas para gawing 6-1 ang score.