-- Advertisements --
BIGAS FARMGATE

Magtutuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng ayuda para sa mga maliilit na rice retailers sa bansa.

Ito ang tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI), sa kabila ng pagtanggal sa price cap.

Maalalang kahapon ay pormal nang inanunsyo ni PBBM ang pagpapawalang bisa sa nauna niyang inilabas na Executive Order no. 39 na siyang nagtakda sa price cap sa bigas.

Sa naging pahayag ni DTI Fair Trade and Enforcement Bureau Director, Atty. Fhiliip Sawali, ang pamamagi ng one-time rice assistance sa mga naapektuhan sa implementasyon ng price cap ay kaiba sa mismong implementasyon.

Ang pamamahagi ng ayuda aniya ay una nang sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at may kopya itong listahan ng mabibigyan ng tulong pinansiyal

Nangangahulugan ito aniyang kahit natanggal na ang price cap ay magtutuloy pa rin ang pamamahagi ng tulong.

Nauna na ring tiniyak ni Trade Secretary Alfredo Pascual na mayroon pang nakalaang tulong para sa mga maliliit na rice retailers na naapektuhan sa EO 39.

Setyembre-5 nang ipinatupad ang price cap na nagtagal ng 29 na araw.