-- Advertisements --

Umapela sa pamahalaan si Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera na bigyan din ng ayuda ang mga libu-libong guro sa mga pribadong paaralan na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Herrera na nasa 300,000 private school teachers ang apektado ng krisis na dulot ng COVID-19.

Hindi katulad ng mga sa public schools na tuloy ang sahod ng mga guro sa gitna ng pandemya, ang mga nasa pribadong paaralan kasi aniya ay nakadipende ang kabuhayan sa matrikula ng mga mag-aaral.

Ayon sa kongresista, may mga ulat na hindi kasama ang maliliit na private schools sa 

Small Business Wage Subsidy (SBWS) program ng gobyerno kung saan makatatanggap ng P5000 hanggan P8000 na wage subsidies kada buwan ang mga eligible na empleyado sa pribadong sektor.

-- Advertisement --

Nauna nang sinabi ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), na maraming pribadong paaralan ang hirap ngayon financially at posibleng permanente nang magsara.

Bukod sa mga guro, ipinasasama rin ni Herrera ang mga non-teaching personnel sa mga pribadong paaralan sa mabibigyan ng ayuda.