-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Naniniwala ang mga pulis na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang pumatay sa AWOL (absence without leave) na sundalo sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, lulan ng motorsiklo at pauwi na sana ang biktimang si Andy Castor, 41-anyos, nang ito ay binaril ng mga suspek sa Barangay Magsaysay, kahapon.

Galing ang biktima sa paaralan dahil sinundo nito ang kanyang misis nang siya ay hinarang ng mga suspek at binaril.

Hindi naman dinamay ng armadong mga lalaki ang kanyang asawa.

Dinala pa ang dating sundalo sa Guihulngan District Hospital ngunit binawian din ng buhay.

Narekober sa crime scene ang empty shells ng .9mm caliber pistol at .45 caliber pistol.

Ayon sa Guihulngan City Police Station, may posibilidad na NPA members ang suspek sa pamamaslang.

Hindi umano bababa sa limang mga lalaki ang suspek.

Ang pinatay na sundalo ay nag-AWOL sa Philippine Army mula taong 2009.