-- Advertisements --

Kung si Philippine National Police (PNP) chief police Gen. Oscar Albayalde ang tatanungin, hindi na dapat pabalikin sa serbisyon ang sino mang pulis na nag-AWOL (Absent Without Leave).

Ito ang tugon ng opisyal matapos iharap sa media ang isang pulis na drug addict na nakabalik sa serbisyo matapos lumiban sa trabaho at hindi na bumalik.

Naaresto sa buy bust operation sa Muntinlupa City si patrolman Leo Valdez na pumasok sa PNP noong 2007.

Nag-AWOL naman ito noong 2014, ngunit nakabalik din nitong 2017.

Aminado si Albayalde na may proseso sa Regional Appellate Board ng National Police Commission (Napolcom) na nagbibigay ng tsansa sa mga AWOL na pulis na bumalik sa serbisyo.

Mandato ng Napolcom na magdesisyon sa mga pulis na nais bumalik sa tungkulin matapos mag-AWOL.

Susundin daw ng PNP kung ano ang magiging desisyon ng ahensya kahit pa baligtad ito sa kanilang posisyon.

Kaugnay nito, pinatitiyak ni Albayalde na matatanggal sa serbisyo ang adik na pulis.

Sa ngayon ani Albayalde, wala pang pulis na tinanggal mula 2016 ang nakabalik sa serbisyo.