-- Advertisements --

Isinailalim na sa pitong araw na state of emergency ang Australia partikular sa estado ng New South Wales (NSW).

Batay sa impormasyon, ito’y sa gitna ng takot na mas magpapalala ang record-breaking na heatwave na sumabay sa hindi pa nareresolbang bushfire crisis.

“The biggest concern over the next few days is the unpredictability, with extreme wind conditions (and) extremely hot temperatures,” bahagi ng deklarasyon ni Premier Gladys Berejiklian sa isang linggong state of emergency.

Kahapon nang maranasan ng nasabing Australia state ang pinakamainit na temperatura sa average maximum na 40.9C (105.6F).

Gayunman, nagbabala ang mga forecasters sa mas mataas pang temperatura sa mga susunod na araw.

Nabatid na nasa 100 apoy pa ang inaapula ng New South Wales authorities na nagsimula nitong mga nakalipas na buwan.

Nitong Nobyembre nang itinaas na sa “catastrophic status” ang sitwasyon sa NSW lalo’t mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas na hangin.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo sa Bombo International Correspondent sa Australia na si Jowayne Czar Espinosa ng San Joaquin, Iloilo, sinabi nito na mahigit 100 paaralan ang pansamantalang pinasara noon sa mga “high-risk zones.”

Ang catastrophic warning ay nangangahulugang hindi na makakayanan ng mga bombero na apulahin ang apoy. (BBC)