Nagbabala ang Australian Medical Association (AMA) at Pharmacy Guild of Australia na labis na ang pagbebenta ng medical cannabis sa bansa nang walang sapat na clinical oversight.
Ayon sa kanila, kinakailangan ng agarang regulasyon upang matiyak na ang medical cannabis ay pinangangasiwaan gaya ng ibang gamot na maaaring maabuso.
Bagaman may ebidensyang nakakatulong ito sa mga kondisyon tulad ng epilepsy, chemotherapy-induced nausea, at multiple sclerosis, iginiit ng AMA na walang sapat na ebidensya para sa ibang pag-gamit nito tulad ng anxiety, insomnia, at depresyon.
Tinukoy rin ng grupo ang pag-abuso sa telehealth system, kung saan naibibigay umano ang reseta online nang walang aktwal na konsultasyon.
Isiniwalat din ng The Age na isang doktor mula sa cannabis firm na Montu ang naglabas ng 72,000 reseta sa loob lamang ng dalawang taon, na minsan daw ay sa konsultasyong tumatagal lamang ng 10 minuto.
Ayon pa sa AMA, dumarami na rin ang mga pasyenteng may sintomas ng psychosis at iba pang epekto ng labis na paggamit ng cannabis sa mga emergency room.