-- Advertisements --
WPP WestPhilippineSea AFP

Kasado na ang pagpupulong kaugnay sa posibleng pagsama sa Australia at Japan para sa planong joint maritime patrol sa West Philippine Sea kabilang ang Amerika at Pilipinas.

Ito ang ibinunyag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez .

Aniya, nais din ng Australia at Japan na sumama sa joint patrols para matiyak na mayroong code of conduct at mayroong freedom of navigation subalit ito ay kasalukuyan pang hinihimay.

Sakaling maisakatuparan ang naturang plano, ito ang magiging unang pagkakataon na makikilahok ang Pilipinas sa isang joined multilateral maritime patrols sa West Philippine Sea, isang hakbang na posibleng magpagalit sa China na umaangkin sa karamihan sa parte ng WPS bilang teritoryo nito.

Una rito, nagsasagawa na rin ng magkahiwalay na diskusyon ang Australia at United States para sa joint patrols sa Pilipinas sa gitna ng mga pangamba kaugnay sa pagiging agresibo ng China.

Ang Japan, Australia at Amerika ay ilan lamang sa mga bansa na kumikilala sa landmark arbitration case noong 2016 na naipanalo ng Pilipinas na nagpapawalang-bisa naman sa expansive territorial claim ng China.