Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na ibinigay na nito ang pondo para dagdagan ang budget ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) bilang pagtupad sa kanilang pangako na susuportahan ng ahensya ang mga ospital at medical facilities sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na tuloy ang kanilang commitment sa laban ng bansa kontra corornavirus disease pandemic.
Ginawa ng DBM ang pahayag na ito matapos maglabasan ang mga ulat na hindi raw ito sang-ayon sa request ng UP-PGH na ilabas ang pondo para sa Special Risk Allowance (SRA) at hazard pay ng kanilang mga empleyado.
Noong nakaraang linggo nang payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng hazard duty pay at special risk allowance para sa mga health care workers na nangunguna sa laban kontra COVID-19.
Base sa pahayag ng DBM, inilabas nito noong Mayo ang Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P400 million upang dagdagan ang operational budget ng UP-PGH sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11469 o Bayanihan to Heal As One Act (Bayanihan 1).
Ang obligasyon na lamang umano ng DBM sa UP-PGH ay ang natitirang P176.982 million.