-- Advertisements --

Kinuwestyon ni former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang pagkansela sa pasaporte at pagdeklara sa kanya bilang ‘pugante’ ng isang korte sa lungsod ng Pasig.

Sa isang online post, ibinahagi nito ang kanyang inihain petisyon sa Court of Appeals upang hamunin ang naturang desisyon ng Pasig City Regional Trial Court.

Layon sa petisyon na hilingin sa Court of Appeals na mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order para mapigilan ang implementasyon sa naging ‘rulings’ ng korte.

Naniniwala ang kampo ni Atty. Roque na nilabag ang karapatan nito at wala umanong legal na basehan ang pagkansela at pagtawag sa kanya bilang pugante.

Sa petisyon, iginiit ng dating presidential spokesperson na ang Pasig RTC ay nagkaroon ng grave abuse of discretion sa mga inisyu nitong resolusyon noong Nobyembre 2025 at Pebrero 2026.

Ito’y dahil aniya sa hindi umano hindi pagkilala sa karapatan niyang mabigyan ng due process, presumption of innocence at freedom to travel.

Dagdag pa ni Atty. Roque na nabigo din ang korte na kilalanin ang kanyang patuloy na paghiling gawaran ng ‘asylum’ sa Europe na dapat sundin ng Pilipinas sa ilalim ng International Law.

Magugunitang ang naturang abogado ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking may kinalaman sa operasyon ng ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga.