Hiniling ng negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal sa Department of Justice na huwag nang isama siya bilang ‘respondent’ sa kaso ng pagdukot sa ilang sabungero sa Manila Arena.
Binigyang diin ni Atty. Villareal na wala namang kinalaman si Atong Ang sa naganap na pagkawala ng mga sabungero sa partikular na kasong nasa Manila Regional Trial Court na.
Muli kasing binuksan ng Justice Department ang preliminary investigation kahapon kung saan idinadawit ni Julie ‘Dondon’ Patidongan ang naturang negosyante bilang umano’y ‘mastermind’ sa kaso.
Kung kaya’t kinuwestyon o ipinagtataka ni Atty. Gabriel Villareal ang muling pagbubukas ng kaso sa kagawaran na tila pumapabor kay Patidongan sa ilalim ng Witness Protection Program.
Ayon sa naturang abogado, alinsunod ang kanilang isinumiteng kahilingan sa prosekusyon sa naganap na ‘recantation’ ni Julie Patidongan sa kanyang salaysay nagsasabing wala itong kinalaman sa naganap na pagdukot sa 6-nawawalang sabungero.
Binawi aniya nito ang kanyang ‘affidavit’ habang itinuro naman bilang ‘mastermind’ si Charlie Atong Ang sa naturang kaso.
Matapos ang isinagawang ‘preliminary investigation’, inaasahang reresolbahin na ito ng prosekusyon o magiging ‘submitted for resolution’ na ang ‘kidnapping and serious illegal detention cases’.
Dito tutukuyin kung nararapat bang isama bilang ‘akusado’ si Atong Ang sa dinidinig ng kaso nasa Manila regional Trial Court.
















