Hinimok ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na tumulong sa pagreporma sa police force sa pamamagitan nang pagsusulong ng mga batas upang sa gayon ay maayos na maresolba ang problema sa iligal na droga at kriminalidad sa bansa.
Ginawa ni Atienza ang naturang panawagan matapos na maghain ng panukalang batas sina Dela Rosa at tatlong iba pang mga senador na nagnanais na magkaroon ng batas para sa muling pagpapataw ng parusang kamatayan sa iba’t ibang krimen.
Binigyan diin ng kongresista ang kanyang mariing pagtutol sa capital punishment sa paniniwala na hindi ito makakaresolba sa problema sa iligal na droga at krimen sa bansa.
Sinabi ni Atienza na mas mainam kung titingnan ang pagpapakulong sa isang kriminal kaysa patawan ito ng death penalty, subalit kailangan na magkaroon aniya ng reporma rito.
Paliwanag ng opisyal, maraming mga mayayamang lumalabag sa batas ang kadalasang nabibigyan ng special treatment sa loob ng mga kulungan.
Noong 17th Congress, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4727, na nagnanais nang reimposition ng capital punishment para sa pitong drug-related offenses.
Subalit natulog lamang ang naturang panukala pagkarating nito sa Senado.