Kinumpirma ng Philippine Air Force na inilipat na nito ang Major Danilo Atienza Air Base patungo sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City mula sa dati nitong lokasyon sa Sangley Point.
Ayon sa Philippine Air Force, ang hakbang na ito ay bahagi lamang ng kanilang strategic basing plan.
Sa isang pahayag, sinabi ni acting PAF spokesperson Colonel Ritza Ann Jovellanos na kabilang sa mga unit na inilipat ay ang 18th Attack Squadron, 20th Attack Squadron, at ang 462nd Rotary Wing Field Maintenance Squadron ng 15th Strike Wing.
Ang Lumbia Airport ay isang Air Force base na dating nagsilbing tahanan ng PAF’s Tactical Operations Group (TOG)-10.
Ito ang Air Force unit na pangunahing inatasan na tiyakin ang seguridad sa hilagang bahagi ng Mindanao.
Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad , ang paglilipat na ito ay bilang suporta sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept.
Dagdag pa rito, sinabi ng PAF na ang paglipat ay isang estratehikong hakbang para ma-decongest ang Sangley Point, na siyang nagho-host ng mga tauhan at asset ng Philippine Navy.