Pinabulaanan ng rookie player ng Ateneo de Manila University na si Kieffer Alas ang mga lumalabas na espekulasyon na may kinalaman sa hazing o initiation rites ang team-building activity na nauwi sa trahedya at ikinasawi nina Divine Adili at Rene Clert Baterbonia.
Ayon kay Alas, walang katotohanan ang mga paratang at hindi umano maiisip ng kanilang mga beteranong kasamahan na saktan siya o sinumang miyembro ng koponan.
Kasama ni Alas sa panayam ang kanyang teammate na si Sam Reyes, na kapwa nakaligtas sa insidente.
Ipinaliwanag pa ng dalawa na ang team-building activity sa isang resort sa Aurora ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa nalalapit na UAAP Season 88.
Layunin lamang umano nitong palakasin ang kanilang samahan at mental toughness ng mga manlalaro.
Ngunit nauwi nga sa trahedya ang aktibidad matapos malunod ang kanilang dalawang manlalaro.
Ayon pa kina Alas at Reyes, kabilang sila sa mga inanod nang malayo sa dagat matapos sunod-sunod na malalaking alon ang humampas sa grupo dahilan upang maghiwa-hiwalay sila sa dagat.
Ikinuwento rin nila na bago pa man ang aktibidad ay binigyan sila ng mga coach ng orientation tungkol sa panganib ng rip currents o malalakas na alon.
Ayon sa kanila, ipinaliwanag kung paano makaliligtas sakaling matangay ng alon at binalaan din sila tungkol sa pabago-bagong lalim ng buhangin sa lugar.
Dagdag pa ng mga manlalaro, inabisuhan din silang maghanda para sa mabibigat na physical activities sa buhangin at dagat bilang bahagi ng kanilang training.
Matapos ang insidente, umatras na ang Ateneo Blue Eagles sa kasalukuyang FilOil Preseason Cup.
Samantala, tinanggap na rin ng pamunuan ng Ateneo ang pagbibitiw ni head coach Tab Baldwin at team manager Epok Quimpo kasunod ng trahedya.
















