Pinalawak pa ng Department of Health (DOH) ang kwalipikasyon ng mga indibidwal na maaaring isailalim sa COVID-19 testing.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bunsod ito ng bagong ebidensya na nakita ng mga eksperto hinggil sa posibilidad ng asymptomatic transmission o pagkahawa ng sakit mula sa mga COVID-19 patients na walang nararamdamang sintomas.

“Dahil evolving ang ating kaalaman sa bagong sakit na ito, nalaman natin ang ebidensya na kung ang mga kung tawagin ay ‘asymptomatic’ ay mga pre-symptomatic patients pala; na bago pa lumabas ang kanilang sintomas ay nakakahawa na.”

Pero nilinaw ng opisyal na hindi ibig sabihin nito ay maaari nang i-test ang lahat, dahil may criteria pa ring susundin sa ilalim ng expanded testing.

“Nais naming bigyang diin na isang bahagi lang ito (testing) ng ating kabuuang stratehiya para matugunan natin ang banta ng pandemiyang ito sa bansa.”

“With this expansion, mayroon tayong criteria that we will have to keep in mind sa pag-determine kung sino ang dapat na i-test.”

Kaya naman ipinaliwanag ni Dr. Anna Ong-Lim, immediate past president of the Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, na kasali ang mga bagong kasali sa criteria for testing ay ang mga sumusunod: asymptomatic individuals na nagkaroon ng close contact sa positive patients tulad ng kapamilya, katrabaho at health care workers na nag-aalaga ng COVID-19 cases.

Pati na yung mga nagda-dialysis, nagche-chemotherapy at matatandang vulnerable sa sakit.

“Gusto natin na pag tayo ay nagtetest ay yung may malaki-laking tsansa na magpa-positive sila or di kaya kung mag-positive man ang tinest natin ay napakalaki yung pakinabang nung positive test na yun sa paggagamot o sa pagsusuporta sa kanilang kalusugan,” ayon kay Ong-Lim.

Ayon sa DOH, pumapalo na sa 10,000 test kada araw ang nagagawa ng mga laboratoryo sa bansa para sa COVID-19 testing.