-- Advertisements --

Isinusulong ng minorya sa Kamara na mapalawak pa ang COVID-19 testing ngayong naghahanda na ang bansa na luwagan ang quarantine protocols sa kalagitnaan ng buwan ng Mayo para maiwasan ang second wave ng contagion.

Ayon kay Minority Leader Bienvenido Abante Jr. suportado ng kanilang grupo ang “Crushing COVID Act” na ipinapanukala ni Iloilo Rep. Janette Garin, na naglalayong isama sa sasailalim sa COVID-19 testing ang mga indibidwal na hindi nagpapakita ng sintomas ng sakit.

Layon din ng House Bill No. 6707 na maitatag ang “COVID Testing Assistance Fund (CTAF)” para bigyan ng ayuda ang mga indibidwal na bahagi ng priority at vulnerable sector na sasailalim sa COVID-19 testing.

Kasama sa mga makakatanggap ng subsidy ang food handlers, supermarkets at public market vendors, house helpers, pregnant women, mga nagtatrabaho sa salons, factories at construction sites.

Ayon kay Garin, nagkakahalaga ang subsidiya na ito mula P1,700 hanggag P1,800 kada test.

Kaya nananawagan si Abante sa mga kapwa niya kongresista na suportahan ang panukala ni Garin.

Ang higit na mahalaga kasi aniya sa ngayon ay makapagsagip ng buhay kasabay nang pagpapasindi sa ekonomiya.

“There is no majority or minority in the middle of a crisis. There is neither administration nor opposition. We all want to help,” ani Abante.