Inamin ng Department of Health (DOH) na posibleng magsagawa rin ng clinical trial ng kanilang COVID-19 sa Pilipinas ang kompanyang AstraZeneca ng United Kingdom.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakausap ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez ang ilang opisyal ng AstraZeneca, kung saan nagpahayag daw sila ng interes sa Phase 3 trials ng kanilang COVID-19 vaccine.
“Nakausap natin, nila Sec. Galvez yung AstraZeneca, and they have intention. Ang sabi nila pwedeng mangyari that they can do clincial trials,” ani Usec. Vergeire sa isang press briefing.
Kinumpirma naman ng Food and Drug Administration (FDA) ang ulat matapos matanggap ng Vaccine Expert Panel (VEP) ang aplikasyon ng kompanya.
“The Vaccine Expert Panel is now evaluating several applications or nag-signify to clinical trials here… recently they accepted an application from AstraZeneca,” ani FDA director general Eric Domingo.
Ayon kay Domingo, naka-depende sa mga dokumentong ipapasa ng kompanya sa VEP ang posibilidad na makapag-sagawa ang AstraZeneca ng clinical trials.
Matapos kasi ng VEP approval, dadaan pa ang aplikasyon sa evaluation ng Research Ethics Board at FDA.
Handa naman daw ang estado sa kahit anong clinical trial na gagawin sa bansa basta’t dadaan sa proseso ang kanilang aplikasyon bago subukan ang bakuna sa mga Pilipino.
“Sa ganyan magandang indikasyon yan kasi gusto ng Philippine government na talaga mai-tryout muna sa mga Pilipino bago simulan ang pagbabakuna sa ating mga kababayan,” ani Vergeire.
Bukod sa AstraZeneca, nagpasa na rin clinical trial application ang mga institusyon tulad ng Gamaleya Research Institue ng Russia; Clover Biopharmaceutical ng Australia; Janssen Pharmaceutica ng Amerika; at Sinovac ng China, na nasa ikalawang antas na ng evaluation.
“Mukhang kaunting document na lang ang kulang para ma-complete ang requirements ng regulatory reviewers, ethics boards, and FDA. Hopefully this will be resolved soon,” ani Domingo.