-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakahanda na umano ang assessment teams na ipapadala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lugar na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni NDRRMC spokesman Mark Timbal, sinabi nito na papasukin ng mga team ang mga lugar sa labas ng 7-kilometer radius danger zone na hindi mapasok ng ahensya dahil bahagi pa ito noon ng tinatawag na 14-kilometer radius danger zone.

Aniya, titingnan ng mga team members kung gaano kalawak at kalaki ang pinsalang dulot ng aktibidad ng bulkan.

Maliban pa rito, aalamin din kung papaano matutulungan na makabangon ang mga naapektuhang residente.

Kasabay nito, tiniyak ng NDRRMC na tuluy-tuloy ang ayudang ibinibigay ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa mga apektadong residente sa Batangas.