VIGAN CITY – Nakatakda nang magtungo sa Subic ang mga bubuo ng national technical staff ng sepak takraw bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa pag-facilitate sa nasabing event para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni Pepe Adame ng San Esteban National High School sa San Esteban, Ilocos Sur na isa sa mga mapalad na napiling national technical staff ng sepak takraw.
Ayon kay Adame, mas maaga ang kanilang pagpunta sa Subic kung saan gaganapin ang mga tournament sa sepak takraw upang tingnan kung nakahanda na ang lahat at kung may nais pang baguhin o idagdag ang kanilang tournament director.
Sasalang din aniya sila sa question and answer portion sa darating na November 25 sa harap ng mga miyembro ng Asian Sepak Takraw Federation, upang masukat kung gaano sila kahanda sa kanilang pagiging technical staff ng laro.